Baka Lang Naman

Baka lang naman
ikaw na yung hinihintay ko
ang sagot sa mga dasal na matagal nang inuusal

Ang magsusulat sa naiwang patlang,
ang pupuno sa kumakalam na puso

Baka sa’yo na nakatali
ang kabilang dulo ng lubid
na matagal nang hinahanap,
na matagal nang pilit tinatanggal
mula sa pagkakabuhol-buhol.

Siguro ikaw na nga
ang may hawak ng susi,
ang muling huhulma
at magbibigay-kulay
sa pusong pagod,
sa damdaming lupaypay.

Baka ang mga halik mo na pala
ang hinahanap ng mga labi
baka sa bisig mo na pala ako
Dapat tumungo at umuwi.

Siguro ikaw na pala
ang hinahanap ko na
kapirasong kinakailangan
para muling gumana ang mga sirang piyesa
na sinira ng galit, luha, at lungkot.

Sa bawat tawa,
tingin,
at dampi ng iyong mga kamay,
ito ang tumatakbo sa isip ko.

Paano kung
ang pagbabaka-sakali, maging tunay na nga?
paano kung ikaw na nga talaga?

Pero ang lahat ng ito ay naiisip ko lang naman
na baka,
ewan,
siguro,
sana,
ikaw na nga.

Leave a comment